Bakit ko nga ba nasasabi ang mga ito? Saan nanggagaling ang mga salitang binibitawan ko? Marahil ay nais ko lamang maglabas ng anumang nasa isip ko ngayon, at ng kung anumang nararamdaman ko. Hindi ako magbabanggit ng anumang pangalan, o partikular na pangyayari. Ang nais ko lang naman ay ang maibuhos ang saloobing buong araw kong tinago, hindi dahil sa ayokong magkwento, kundi dahil mas gusto kong makapag-isip nang walang halong panghuhusga ng ibang tao sa mga nangyayari.
Sa halos buong araw na pag-iisip, napagtanto ko na may mga bagay na kahit gusto kong intindihin, ay hindi ko parin lubos na maintindihan. Siguro, hindi kasi lahat ng bagay ay iniintindi, minsan, mas angkop na tanggapin nalang ito. Kaso, hindi ba yun ang nakakagulo? Kasi paano mo matatanggap ang isang bagay na hindi mo naman ito lubos na nauunawaan? Hay, ewan ko ba. Siguro ganoon nalang talaga. Hindi lahat ng bagay madali. Gaya nitong tinatype ko sa blog na ito, ni hindi ko mapagbuklod ang bawat ideya na tumatakbo sa isip ko.
Mabalik tayo sa mga usapang natutuloy at nauudlot. Bakit nga ba ganoon? Kung kailan anjan na, maghahanda ka na, malalaman mo nalang na may pangyayaring makakahadlang sa napag-usapan na? Tapos, bigla nalang, wala na. Sira na ang lahat. Sira narin ang araw mo. Sira na ang lahat. Wala ka naman ding magawa kasi, sino ka ba, hindi ba? Hindi mo naman kontrolado ang lahat. Kaso, ang mahirap lang, yung pakiramdam na, ang tagal mong hinintay. Umasa kang matutuloy. Pero sa araw ding iyon, malalaman mo na hindi mo na kailangan maghintay pa. Hindi mo na kailangang umasa pa. Kasi wala ka narin palang inaasahan. Yung inakala mong magiging magandang araw, nasira na. Yung inakala mong makakapawi ng hirap sa matagal na paghihintay, nawala na. Ang sakit diba? Pero wala kang magawa. Lagi nalang walang magawa.
Bukod pa doon, ang sakit ding isipin na ganun nalang, na hindi na natuloy, na wala na, tapos. Move on nalang. Ano pa nga ba diba? Ni wala manlang, "sa susunod ganito ganyan", "wag ka mag-alala, gagawan natin ng paraan", "sa ibang araw nalang". Ay, meron pala. Pero, huli na. Nasira na ang araw mo, ayaw mo nang umasa sa kung ano pa. Wala ka narin sa mood sa kung anong lakad pa. Sabi nga nila, tanggapin mo nalang. Nanjan na, nangyari na. Hindi naman sa tinatanggihan mo na matuloy pa ang naudlot na plano. Hinintay mo din yun eh, at siyempre, gusto mo talagang matuloy yun. Pero yun nga lang, nandun na yung pakiramdam na hindi ko maintindihan. Alam niyo yung pakiramdam na sira na lahat? Gusto mo nalang ng oras sa sarili mo? Kasi nakakapagod nadin magbigay ng oras sa ibang tao kung minsan. Tapos, madalas ikaw yung nag-aadjust, kasi kung hindi, sino pa?
Hindi naman sa nagrereklamo o ayoko na nito. Sa pag-iisip ko sa mga panahong pinili kong manahimik at walang kausapin na kahit sino, may mga bagay din akong naunawaan, at napaliwanagan. Hindi naman sa hindi ko naiintindihan ang naging rason ng hindi pagkakatuloy ng isang bagay, dahil sa totoo, naiintindihan ko naman. Naging masakit lang talaga at mahirap. Kasi hinintay mo, umasa ka, pero wala na naman. Tinanggihan kong tumuloy pa nung tinanong ako kung gusto ko pa talaga makipagkita dahil ayoko ding ipilit pa. Gusto kong makipagkita, siyempre, at hindi na tinatanong pa yun. Pero may mga bagay na sadyang nag-iwan na ng marka, at kinakailangan mo pa ng oras para mabura ang markang iyon. Kaya tumanggi ako. Nakabuti narin nga iyon dahil nagka-oras ako na unawain at palipasin ang sama ng loob ko.
Sa ngayon, maayos na ako. Okay na, kumbaga. Ayoko ring matapos ulit ang araw nang hindi maayos ang lahat. Ang hirap na nga diba? Matagal na kayong hindi nagkakasama, ganoon pa. Mas gugustuhin ko parin namang tanggapin at intindihin nalang, kesa ilang araw nanamang magtampo at magsawalang imik dahil lang sa mababaw na pangyayaring ito. Natatakot lang ako, na baka dumating sa punto na mapagod ako sa ganito. Sa paghihintay sa wala. Ilang beses na ba nangyari, hindi ba? Gayunpaman, wala akong isinusuko. Lumalaban parin ang sigaw ng puso ko sa mga duda ng isip ko. Pero sana manlang, maiparamdam mo din sa galaw at kilos mo, at hindi lang sa salita ako aasa sayo. Na pag dumating ang araw na mas malabo at mas mahirap na ang lahat, hindi mo din ako isusuko. :|
0 comments:
Post a Comment